Tuesday, December 16, 2014

Tagum City, punong abala sa 2015 Palarong Pambansa

Isasagawa na sa Tagum City, Davao Del Norte ang ika-58 edisyon ng Palarong Pambansa sa 2015.

Ito ang inihayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate matapos magwagi ang Davao Del Norte sa isinagawang bidding para sa mga nagnanais mag-host ng prestihiyosong torneo para sa rehiyon ng Mindanao.

“I can say to you now that it was Tagum City in Davao Del Norte who will host the 2015 Palarong Pambansa,” sinabi ni Garcia na bahagi ng Palarong Pambansa Management Committee kung saan iniulat din nito ang mga natutukang programa at aktibidad ng ahensiya ng sports sa bansa.

“They got 16 out of 18 votes. The clincher was that Davao Del Norte had a world class and state of the art ready facility and can stage the games kahit bukas,” giit ni Garcia.

”The only negative side is the concern on the water, iyong inumin, pampaligo at panglinis ng mga batang estudyante which Tagum said they will immediately taken care of,” sambit ni Garcia.

Ang desisyon sa paggawad ng hosting ay ginanap naman ng Palarong Pambansa Management Committee na binubuo ng namumunong Department of Education (DepEd), PSC at Department of Interior and Local government (DILG).

Ito naman ang unang pagkakataon na magiging punong-abala ang Davao Del Sur sa kasaysayan ng torneo sapul nang magsimula noong 1948 na noon ay kilala pa bilang Bureau of Public Schools-Interscholastic Athletics Association Games (BPISAA).

Ipinagmamalaki ng Davao Del Sur, sa pangunguna ni Congressman Anthony del Rosario at Governor Antonio del Rosario, ang P350-milyon Tagum City Sports na binubuo ng world class na track and field oval, Olympic standard na swimming pool, football field na puwedeng paglaruan sa gabi at makabagong basketball court. 

Nakalaban naman ng Tagum City para maging host ang Koronadal City sa South Cotabato, Cagayan de Oro City sa Misamis Oriental, Caraga Region (co-host ang 2 probinsya at 3 lungsod), Tubod sa Lanao del Norte at ang Dipolog City sa Zamboanga Del Norte.

Ang Misamis Oriental at Negros Occidental ang pinakamaraming bilang na nag-host ng Palarong Pambansa.

Apat na beses na naging host ang dalawang probinsiya. Naging punong-abala ang Misamis Oriental noong 1975, 1977, 1978 at 1988 habang ang Negros Occidental ay noong 1974, 1979, 1998 at 2000. Naging host naman ang Lingayen, Pangasinan ng tatlong beses noong 1959, 1999 at 2012.

Kabuuang 20 ang pinaglalaban sports sa taunang Palarong Pambansa. Ang lahat ng sports ay paglalabanan sa elementary at high school, maliban sa archery na hindi kasali sa elementary level.

Tatlong sports ang idinagdag noong 2013 Palarong Pambansa sa Dumaguete City bilang demonstration sports na binubuo ng futsal, wushu at billiards.

Ang ibang sports ay ang archery, arnis, aquatics, athletics, badminton, baseball, billiards, boxing, chess, football, futsal, gymnastics, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, tennis, volleyball, wrestling at wushu.