Kasabay sa apat pang sports na kasalukuyan nang idinaraos at
nakahanay sa kalendaryo ng Palarong Pambansa bilang demonstration
sports, mabuting pag-aaralan ng Kagawaran ng Edukasyon ang panukalang
ibalik ang cycling sa taunang school-based multi sports competition.
Ito ang inihayag ni DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali noong
nakaraang Miyerkules ng hapon matapos ang ginanap na Memorandum of
Agreement (MOA) signing sa pagitan ng mga kinatawan ng lalawigan ng
Davao del Norte, ang host ng 2015 Palarong Pambansa, at mga opisyal ng
kagawaran sa pamumuno ng kalihim na si Bro. Armin Luistro.
Ayon kay Umali, ang lahat ng 17 sports disciplines na nakahanay sa
kalendaryo ng Palaro ay isinasaad at iniatas sa batas na kinabibilangan
ng archery, arnis, swimming, athletics, badminton, baseball, boxing,
chess, football, gymnastics, sepak takraw, softball, tabale tennis,
taekwondo, tennis, at volleyball.
Kabilang din sa pinag-aaralan ng DepEd para isama sa Palaro ang sports na biliards, futsal, wushu at wrestling.
“Tinitiyak po namin na ang lahat ng ito ay pinag-aaralan naming
mabuti kasama ng apat pang demosntration sports kung kinakailangan at
nararapat na isama sa mga event ng Palarong Pambansa,“ pahayag ni Umali.
Una nang iminungkahi at nagpasa ng kaukulang panukala sa pamunuan ng
DEpEd ang liderato ng PhilCycling, ang local governing body ng sport sa
bansa, sa pangunguna nina chairman Bert Lina at pangulo nito na si
Congressman Abraham “Bambol” Tolentino para ibalik ang cycling bilang
isa sa mga regular event ng Palaro.