Hindi lamang handa na ang Probinsiya ng Laguna kundi itinakda pa nila
ang isang makulay at iba’tibang aktibidad patungo sa opisyal na
pagbubukas ng pinakahihintay na 2014 Palarong Pambansa na magsisimula
bukas hanggang Mayo 10.
Bakas ang kasiyahan sa mukha ni Laguna Governor ER Ejercito sa
binitawang pananalita sa pagsisimula ng aktibidad sa Activity Center sa
SM Calamba bago ang opisyal na pagbubukas ng Palaro kung saan ay
itinuring nitong makasaysayan at kakaibang karanasan ang mararanasan ng
mga kalahok at opisyales ng 17 rehiyon.
“Ikinagagalak ko po na sa unang pagkakataon ay maisagawa sa lugar
mismo ng ating bayaning si Gat. Jose Rizal sa Laguna na ngayon ay
isiniselebra ang ika-100 taong pagkakakilala sa probinsiya. Isa po itong
malaking oportunidad sa amin na maipakita sa buong bansa ang kagandahan
ng aming probinsiya,” sinabi ni Ejercito.
Idinagdag ni Ejercito na inihanda na ng Laguna ang pinakamakulay na
pagtatanghal para sa 11,200 atleta at 1,200 technical official na mula
sa 17 rehiyon kung saan ay masasaksihan ang kabuuang 27 sports event, 4
na demonstration sports at 2 special games.
“We had prepared many things for the delegates and we are confident
that this week of sporting event which is the Olympics in the
Philippines is one for the history books,” pagmamalaki ni Ejercito.
Isasagawa sa Lunes (Marso 5) ang opisyal na pagbubukas ng torneo kung
saan ang dating pangulo ng bansa at tiyuhin ni Ejercito na si Manila
Mayor Joseph Estrada ang makikiisa sa Palaro, bukod pa sa makikibahagi
rin si Sarangani Congressman at 8-time world boxing champion Manny
Pacquiao.
Nabatid pa kay Ejercito na magbibigay ng pananalita si Pacquiao na
‘adopted son’ ng Laguna dahil sa may bahay ito sa Biñan at ang mga anak
ay nag-aaral sa Brent School, gayundin ang tiyuhin nito na si Estrada.
Dadalo rin ang unang Olympics ice skater na si Michael Martinez,
dating Palarong Pambansa swimmer na si Enchong Dee, PBA star na si James
Yap at ang anak ni Ejercito at team captain ng La Salle athletics team
na si Jericho Ejercito na kabilang sa limang magsisindi ng ilaw sa
Palaro.
Simbolikong mag-iilaw sa relay run si Martinez na ipapasa nito kay
Dee patungo kay Yap na siyang magpapasa kay Ejercito. Si Ejercito ang
magbibigay ng sulo kay Pacquiao na siyang magsisindi sa torch na
maghuhuhudyat sa pagbubukas ng ika-57 edisyon ng torneo para sa mga
mag-aaral sa elementary at high school.
Bago ang pagbubukas ng torneo ay opisyal ding pasisinayaan ang
pinakamalaking monumento ni Rizal sa loob mismo ng Laguna Sports Complex
na may taas na 26 na piye at may bigat na 20 tonelada. Ang monumento ay
nagpapakita kay Rizal bilang isang eskrimador.
Si Rizal ay isa ding pistolero, judoka, jia-jitzu at boksingero.
Kinuha din ng Laguna ang serbisyo ng PLDT Home DSL sa tulong ni Gary
Dujali upang siyang maging opisyal na tagadala ng komunikasyon ng Palaro
sa internet at maging sa mga mamamahayag na magkokober sa Palaro.
Source link: http://www.balita.net.ph/2014/05/02/bonggang-2014-palarong-pambansa-ihahanda-ni-governor-er-ejercito/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.