Sunday, June 1, 2014

Tagum, seryoso sa 2015 Palaro

Seryoso ang probinsiya ng Tagum, Davao Del Norte na maging host sa 2015 Palarong Pambansa.

Sinabi ni Davao Del Norte Governor Rodolfo del Rosario na gagawin nila ang lahat upang masungkit sa unang pagkakataon na maging host sa ika-58 edisyon ng taunang torneo na nilalahukan ng mga batang atleta sa elementarya at sekondarya mula sa 17 rehiyon sa bansa.

“All out na ang aming campaign for the hosting,” sinabi ni Del Rosario sa isang mataas na opisyal ng Philippine Sports Commission (PSC). “We had started our drumbeating and other form of campaign for our full blast target of being chosen as host of 2015 Palaro.”

“We are finalizing the documents needed by the Department of Education. Everything that they required is now almost finished. We are ready come the official presentation,” giit pa ni Del Rosario.

Nakatakda namang simulan ang bidding para sa pagiging punong-abala sa 2015 Palaro sa Agosto kung saan ang submission ng official bid ay sa Hunyo. Ihahayag naman ang magwawaging host sa Oktubre.

Ipinagmamalaki ng Tagum ang makabago nilang stadium na ginastusan ng P350-milyon. Magkakatabi sa stadium ang Olympic standard swimming pool, basketball gym at world class standard na track and field oval na puwedeng pagsagawaan ng mga event sa gabi. Mayroon din itong athletes village.

Makakaribal naman ng Tagum City ang Koronadal City sa South Cotabato, (R-12), Cagayan de Oro City sa Misamis Oriental (R-10), Surigao City sa Surigao del Norte (R-13), Butuan City sa Agusan del Norte (R-13) at ang Tubod sa Lanao Del Norte. 



http://www.balita.net.ph/2014/06/01/tagum-seryoso-sa-2015-palaro/ – Angie Oredo