Tuesday, November 10, 2015

Negros Occidental, isinusulong ang NIR para makasali sa 2016 Palarong Pambansa

Inihayag kahapon ni Negros Occidental Governor Alfredo Marañon na nakikipag-usap na ang Negros Island Region (NIR) sa Department of Education (DepEd) para sa partisipasyon ng Region 18 bilang bagong rehiyon sa gaganaping 2016 Palarong Pambansa sa Legaspi, City.

Si Marañon ay nakipag-usap na rin kay Provincial Schools Division Superintendent Anthony Liobet upang makasali ang NIR sa Palaro sa susunod na taon.

“We are still trying to negotiate with the DepEd so we can play as a new region,” ayon dito.

Sa kabilang banda, sinabi naman ng DepEd na magtatalaga muna sila ng intermin regional director para sa NIR.

Sa pagkakabuo ng NIR, ang dalawang probinsiya sa Negros- Occidental at Oriental- ay nasa pamumuno na ngayon ng Region 18. Tuluyan nang humiwalay ang Negros Occidental sa Western Visayas o Region 6 samantalang ang Negros Oriental naman ay humiwalay na rin mula sa Central Visayas o Region 7.

Tinatayang nasa 60 porsyento ng Western Visayas ay mula sa Negros Occidental.

Sa ginanap na 2015 Palarong Pambansa na pinamunuan ng Tagum City, Davao del Norte, ang Western Visayas ay nasungkit ang ikatlong puwesto samantalang ang Central Visayas ay natapos sa ikaanim na puwesto.

“The most difficult team to defeat is the National Capital Region. Well, they have more money for training but we carry the ball when it comes to athletics,” ang pahayag ni Marañon.

Makaraan ang Palaro noong Mayo, nagbigay ng kabuuang halaga na umaabot sa P669,000 ang provincial government at ipinamahagi ito sa mga atleta na mula sa Negros Occidental na nakakuha ng ginto, pilak at tansong medalya sa mga event na kanilang sinalihan. (PNA)

Sunday, November 8, 2015

2016 CAVRAA meet, pinaghahandaan na ng Ilagan City

Ang pamahalaang lungsod ng Ilagan sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd)-Ilagan Division at iba pang stakeholders ay abala na sa paghahanda para sa pagiging host ng lungsod sa 2016 Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) meet sa susunod na taon.
Nakipagpulong na noong Miyerkules si Ilagan Mayor Josemarie L. diaz sa ilang pinuno ng mga opisina para sa pagpaplano ng mga aktibidad upang makasiguro na magiging matagumpay ang gaganaping CAVRAA.
Noong nakalipas na taon, sinimulan na ng city government ang pagpapagawa ng Ilagan City Sports Complex sa loob mismo ng Isabela National High School at ang pasilidad ay malapit ng matapos.
Samantala, pinupuntirya rin ng lokal na pamahalaan at ng DepEd-Ilagan na makasungkit sila ng maraming gintong medalya. Nagtalaga sila ng battle cry na kanilang tinawag na “Go for Gold” bilang hamon para sa mga atleta na maging competitive at naglalayung maging kampeon sa gaganaping regional sports meet.
Isasailalim sa masusing pagsasanay ang mga mapipiling atleta bilang paghahanda sa kumpetisyon at makakalaban ang ibang atleta mula sa ibang probinsiya at lungsod sa rehiyon.

(PNA)

Sunday, November 1, 2015

Albay, opisyal nang host sa 2016 Palaro

Opisyal nang isasagawa ang ika-59 edisyon ng taunang multi-sports event para sa mga Pilipinong estudyanteng atleta na 2016 Palarong Pambansa sa Albay.

Ito ang inihayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Atty. Jose Luis “Jolly” Gomez matapos ang naganap na botohan bilang proseso ng bidding na dinaluhan ng mga representante ng Department of Education (Deped), Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Sports Commission (PSC).

“It was won by Albay with a slimmest margin of one vote,” sabi ni Gomez, na inirepresenta ang PSC sa binuo na bagong management committee ng Palarong Pambansa na nagbotohan kasama ang 17 DepEd regional director at representante ng DILG .

Ito ang ikaanim na pagkakataon na isasagawa ang taunang Palaro sa rehiyon ng Bicol o Region 5 kung saan ay partikular na paggaganapan ang lugar ng Guinobatan at katabi nitong Legaspi City.

Una nang isinagawa ang Palaro sa Legaspi City noong mag-host ito sa ika-5 edisyon noong taong 1952. Matapos nito ay nag-host noong ika-21st edisyon noong 1969 ang Pili, Camarines Sur na sinundan ng Naga City, Camarines Sur noong ika-43 edisyon (1997), ika-46 edisyon noong 2002 at ang ika-49 edisyon noong 2006.

Tinalo naman ng Albay sa pamamagitan ng krusyal na isang boto ang matindi ang paghahangad na Tuguegarao City, Cagayan De Oro (Region 2). Ang iba pang nagpahayag ng interes ay ang Lingayen, Pangasinan (R-1), Naga City, Camarines Sur (R-5), San Fernando, Pampanga (R-3) at ang Bocaue, Bulacan (R-3).

Asam ng Albay na makapagpatayo ng bagong pasilidad na kikilalanin bilang Albay Sports Complex na itatayo mismo sa Guinobatan bilang pangunahing lugar ng mga laro dahil ang Legaspi ang kinatatayuan ng maalamat at tanging aktibo na bulkan sa bansa na posibleng muling maging mapanganib sa badya nitong pagputok.

Isasagawa rin sa pinakaunang pagkakataon ang Palaro bilang isang sports tourism event. Ibabahagi diin sa iba’t ibang sports venues sa probinsiya ng Albay ang iba’t ibang laro upang maipagmalaki ang lokal na turismo.

Kabuuang 20 sports ang pinaglalabanan sa Palarong Pambansa sa elementarya at sekondarya maliban sa archery at boxing na hindi pinaglalabanan sa elementary level.

Noong 2013 Palarong Pambansa sa Dumaguete City ay idinagdag ang tatlong demonstration sports na futsal, wushu at billiards upang idagdag sa archery, arnis, aquatics, athletics, badminton, baseball, billiards, boxing, chess, football, futsal, gymnastics, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, lawn tennis, volleyball at wushu.

Source: Balita http://www.balita.net.ph/2015/11/01/albay-opisyal-nang-host-sa-2016-palaro/#ipS4SdYRv1u3qE2y.99