2016 CAVRAA meet, pinaghahandaan na ng Ilagan City
Ang pamahalaang lungsod ng Ilagan sa pakikipagtulungan ng Department
of Education (DepEd)-Ilagan Division at iba pang stakeholders ay abala
na sa paghahanda para sa pagiging host ng lungsod sa 2016 Cagayan Valley
Regional Athletic Association (CAVRAA) meet sa susunod na taon.
Nakipagpulong na noong Miyerkules si Ilagan Mayor Josemarie L. diaz
sa ilang pinuno ng mga opisina para sa pagpaplano ng mga aktibidad upang
makasiguro na magiging matagumpay ang gaganaping CAVRAA.
Noong nakalipas na taon, sinimulan na ng city government ang
pagpapagawa ng Ilagan City Sports Complex sa loob mismo ng Isabela
National High School at ang pasilidad ay malapit ng matapos.
Samantala, pinupuntirya rin ng lokal na pamahalaan at ng DepEd-Ilagan
na makasungkit sila ng maraming gintong medalya. Nagtalaga sila ng
battle cry na kanilang tinawag na “Go for Gold” bilang hamon para sa mga
atleta na maging competitive at naglalayung maging kampeon sa
gaganaping regional sports meet.
Isasailalim sa masusing pagsasanay ang mga mapipiling atleta bilang
paghahanda sa kumpetisyon at makakalaban ang ibang atleta mula sa ibang
probinsiya at lungsod sa rehiyon.
(PNA)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.