Thursday, March 5, 2015

Talaingod DavNor Runners, hahataw sa Palarong Pambansa

Sa itaas na bahagi ng lalawigan ng Davao del Norte matatagpuan ang second class na munisipalidad na kung tawagin ay ang tribong Ata-Manobo.

Umaabot sa mahigit na 25,000 ang populasyon, ang ikinabubuhay ng mga ito ay ang pagsasaka habang nakahiligan naman ng mga kabataan sa tribo ang pagtakbo.

Sa darating na Mayo 3-9 sa pagiging punong-abala ng Davao del Norte sa 2015 Palarong Pambansa sa kapitolyo ng Tagum City, nakatakdang makipagtagisan ng galing ang mga kabataang runner ng Talaingod, mas kilala bilang Talaingod DavNor Runners, sa mga atletang mag-aaral sa buong bansa.

Ipakikita nila ang husay ng mga taga-Davao del Norte sa larangan ng palakasan, partikular sa takbuhan kung saan ay hangad ni Governor Rodolfo del Rosario na makilala ang kanilang lugar bilang ‘Kenya of the Philippines’ o sentro ng running sa bansa.

“It started with a vision to maximize the inherent physical prowess of lumad children who had been traversing the high altitude terrain to and from school,” ani Del Rosario. “Training to run is the lumad children’s daily way of life.”

Ang Talaingod DavNor Runners, ay isang naiibang sports development program na inilunsad noong Abril 28, 2014, halos kaalinsabay ng pagpapahatag ng lalawigan ng kanilang intensiyon na maging host ng Palaro sa pangunguna ni Talaingod Mayor Basilio Libayao. 

“The Palaro is a great opportunity for LGUs to showcase whatever strength they have in terms of sports,” ayon pa kay Del Rosario. “DavNor has the Talaingod runners who are fitting examples that, being given this attention and importance, means so much to them.”

Ang grupo ay binubuo ng apat na batang lalaki at anim na babae na pinili mula sa may 200 kabataang Ata-Manobo. 

Sumailalim sila sa isang children special daily training program na inihanda ni Professor Renato Unso, ang bagong secretary general ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA). 

Ang mga kabataang babae ay binubuo nina Rochell Anggol, 13; Rica Andil, 11; Jeanneth Mansumilay, 15; Jesme Baucon, 11; Relyn Calooy, 14; at Shiela Mae Bantao, 14; habang ang mga lalaki ay binubuo nina Ruben Enggo Jr., 15; Junior Lito Mabanag, 12; Ronald Dauban, 13; at Joshue Tiwog, 15.

Nagsimulang umani ng tagumpay ang mga kabataang runner matapos magwagi ng limang gold, anim na silver at dalawang bronze medals sa nakaraang Davao Regional Athletic Association para makuwalipika sa Palarong Pambansa.

“Sana po makatapos ako ng high school hanggang college para po matulungan kong maiahon sa hirap ang pamilya ko,” ani Baucon, miyembro ng gold medal-winning 4×100 meters relay team sa nakaraang DAVRAA.



Source: Balita.ph

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.