Binigyan ng kaukulang pagkilala ng mga miyembro ng Sangguniang
Panlalawigan ng Davao del Norte ang tatlong kabataang gymnasts na
nagsauli ng P50,000 na natagpuan nila sa kanilang billeting quarter.
Sa kanilang 17th Regular Session, inaprubahan ang isang resolusyon ni
Board Member Atty. Raymond Joey Millan na kinikilala ang katapatan
nina Brian Albert Q. Buhian, 15-anyos, Janliver S. Estabaya, 14-anyos at
Louie H. Villacorte Jr., 16-anyos.
“What the three athletes have done proved that you need not die to be a hero,” ani Millan sa kanyang privilege speech.
Nag-ambagan din ang Board Members para mabigyan ng insentibo ang mga matatapat na atleta.
Ang kabataang atleta ay nagsasanay bilang mga miyembro ng gymnastics
team ng Davao Region Athletic Association (DAVRAA) delegation, na
nanunuluyan sa Tagum City National Comprehensive High School sa
Mankilam, Tagum City.
Malapit lamang ito sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex, ang main venue ng Palarong Pambansa.
Natagpuan nila ang pera, ayon kay Buhian, sa ilalim ng isang bangko
sa isang tindahan malapit sa eskuwelahan matapos bumili ng ilang
pangangailangan bandang alas-6:30 ng gabi noong Abril 18.
“Gikulbaan jud ko (Kinabahan po ako.),” anang Grade 8 student ng
Sinawilan National High School sa Digos City, Davao del Sur dahil unang
pagkakataon nilang nakakita ng ganoong kalaking pera.
Ni hindi aniya sumagi sa isip niya na angkinin na lamang ang pera
kaya’t agad din nila itong sinabi sa kanyang teammates at napagkasunduan
nilang isauli ito.
Itinuro umano ng kanilang mga magulang ang kabutihang asal sa kanila
at hindi nila kayang dungisan ang malinis na pangalan ng mga ito.
Napag-alaman na ang pera pala ay nakalaan bilang allowance ng mga kapwa nila Davao Eagles athletes na galing sa Panabo City.
“We’re proud of what they did. Not only athleticism, sports also
teaches good manners, honesty and other virtues,” ani Jenielito Atillo,
tagapagsalita ng DAVRAA.
http://www.balita.net.ph/2015/04/29/katapatan-ng-3-palaro-athletes-kinilala-ng-sp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.