DAVAO DEL NORTE- Tinanghal na unang double gold medal winner sa
athletics competition ng 2015 Palarong Pambansa kahapon ang atleta na si
Jason Jabol ng Region V (Bicol Region) sa Davao del Norte Sports and
Tourism Complex dito sa Tagum City.
Matapos magwagi ng kanyang unang gold medal sa ikalawang araw ng
athletics event noong Lunes sa elementary boys triple jump sa kanyang
tinalon na 11.80 meters, inangkin ni Jabol ang kanyang ikalawang gold
medal sa long jump matapos makatalon ng layong 5.61 meters.
Binigo ni Jabol, ikasiyam sa labing-isang anak ng isang mangingisda
mula sa Libmanan, Camarines Sur, ang naging pinakamahigpit na mga
nakatunggaling jumper ng National Capital Region (NCR).
Tumapos lamang na pangalawa at pangatlo kay Jabol sina NCR bets Khart
Berjuela at Jomartey Buen na nakatalon ng 5.54 meters at 5.49 meters
upang maiuwi ang silver at bronze medals, ayon sa pagkakasunod.
Nakamit naman ng Ilocos Region (Region 1) ang una nilang gold medal
matapos mamayani si Krysta Joyce Trinidad sa elementary girls long jump
matapos tumalon sa layong 4.89 meters.
Pumangalawa sa kanya para sa silver medal ang Region XI (Davao
Region) athlete na si Bernadeth Mendiola na naitalang 4.69 meters habang
bronze medal naman si Recine Armamento na tumalon ng layong 4.68
meters.
Naramdaman na rin ng delegasyon ng NCR ang kampanya sa athletics nang
maibigay ni Daniella Daynata ang unang gold medal sa centerpiece event
makaraang manalo sa secondary girls discuss throw.
Naibato ng tubong Caloocan City na si Daynata ang discuss plate sa
layong 32.07 meters upang maibigay ang ikasampung gold medal ng kanilang
delegasyon sa taunang school-based multi sports competition.
Pumangalawa sa kanya si Kayla Bugatti ng Cordillera Administrative
Region (CAR) na nakapagbato sa layong 30.70 meters habang kinumpleto
naman ni Preciuos Artede ang 1-3 finish ng NCR nang angkinin ang bronze
sa naiposteng 30.41 meters.
Sa chess, kinuha naman ng Northern Mindanao Region (Region X) ang
dalawa pang gintong medalya sa blitz event sa pangunguna ni Me Ann
Baclayon na siyang sumulong sa Blitz Individual at namuno rin upang
makopo nila ang Blitz team gold.
Pumangalawa kay Baclayon sa Blitz Individual si Irish Yngayo ng host
region Davao at pumangatlo si Cheyenne Aliena Telesforo ng Western
Visayas.
Dahil sa kanyang panalo, humanay si Jabol sa mga nauna nang double
gold medal winners na sina gymnasts Isabella Sta. Maria, John Romeo
Santillan at John Ivan Cruz at chess player na si Daryl Unix Samantilla
na pawang taga-NCR.
Samantala, tatlong araw pa lang ng kompetisyon ngunit muling
tumanggap ang host Davao del Norte ng panibagong “A” grade mula sa
Department of Education (DepEd).
“This has been the most organized and easiest to handle Palaro,” ayon
kay DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali sa unang Palaro Media
Briefing sa Media Lounge ng Davao del Norte Sports and Tourism Complex.
“Credit goes to Ponyong [Sofonias Gabonada Jr., organizing committee
chairman] and Giovanni Gulanes [Davao del Norte Sports Coordinator],”
dagdag pa ni Umali.
Ang DavNor games ay suportado ng Tagum Agricultural Development
Company Inc., Damosa Land, Davao Packaging Corp., Davao International
Container Terminal Inc. at Pearl Farm Beach Resort.
http://www.balita.net.ph/2015/05/06/bicol-bet-humakot-ng-2-gintong-medalya/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.