DAVAO DEL NORTE– Habang patuloy sa kanilang pananalasa sa swmming
event ang tankers ng National Capital Region (NCR), isang long distance
runner naman na mula sa Northern Mindanao Region ang lumikha ng ingay sa
centerpiece event athletics matapos na walisin ang kanyang tatlong
events sa pamamagitan ng record breaking performances sa pagpapatuloy ng
2015 Palarong Pambansa sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex
dito sa Tagum City.
Winasak ng 15-anyos na incoming Grade 9 student na si Jie Anne Calis
ng Looc National High School sa Plaridel, Misamis Occidental ang Palaro
records sa secondary girls 800 meter run, 1,500 meter run at 3,000
meter run.
Unang binura ng 5-foot-0 na si Calis, isang consistent na honor
student mula sa elementary kung saan siya nagtapos na valedictorian sa
kanilang klase, sinira ng una ang record sa 800 meter run na dating
hawak ni Angelica Josef ng Western Visayas Region (Region VI) na 2:17.2
na naitala noong 2013 Palaro, kung saan ay naorasan ito ng bagong meet
record na 2:12.27.
Pumangalawa sa kanya si Feiza Jane Lenton ng Eastern Visayas (Region
VIII) na naorasan ng 2:14.47 habang pumangatlo naman ang dating record
holder na si Josef na nagtala ng 2:14.49.
Sumunod na binura ni Calis ang marka sa 1,500 meters na siya rin ang
nagtala noong nakaraang taon sa Laguna na 4:45.20 matapos siyang
magposte ng bagong meet record na 4:42.20 para sa gold medal kung saan
inungusan niya ang local bet na si Mea Gey Adialaan Ninura na naorasan
ng 4:44.62 at Josef na tumapos naman sa tiyempong 4:50.13.
Ang huling record na sinira ni Calis ay sa 3,000 meter run na
10:22.60 na ginawa ni Joida Gagmao ng Western Visayas noong 2013
makaraan niyang tapusin ang takbuhan sa oras na 10:10.16 para talunin
ang silver at bronze medal winners na sina Ninura (10:11.13) at Joneza
Mie Sustitudo ng Western Visayas (10:56.07).
Dahil sa effort na ito ni Calis, nanatiling nasa ikalimang puwesto
ang Northern Mindanao sa overall medal standings na mayroon ng 14 gold, 8
silver at 18 bronze medals sa likod ng patuloy pa ring namamayagpag na
NCR na may 34-28-29, kasunod ang Southern Tagalog Calabarzon Region
(Region IV-A) na may 28-33-28 at ang Cordillera Administrative Region
(CARAA Region) na may 16-16-9.
Ang 55 gold medals ng NCR ay galing sa 9 na nakuha nila sa elementary
boys, 20 sa elementary girls, 13 sa secondary boys at 13 rin sa
secondary girls kung saan ay halos kalahati nito o 24 dito ay galing sa
swimming.
Matapos humakot ng tig-walong gold medals sa unang dalawang araw,
walong gold medals ulit ang idinagdag ng NCR sa kanilang kabuuang medal
haul sa pangunguna ng nakaraang taong outstanding swimmer na si Maurice
Sacho Ilustre na nakapagtala ng kanyang ikalawang bagong Palaro record
sa 800 meter freestyle kung saan ay binura niya ang dating record na
8:58.36 na hawak ni Fahad Alkhadir ng host region DAVRAA matapos siyang
maorasan ng 8:50.34 para sa kanyang ikatlong gold medal at ikalawang
record.
Nagwagi rin siya sa secondary boys 100 meter butterfly para sa
ikaapat niyang gold medal sa tiyempong 57.56 kung saan ay binura rin
niya ang dating record na 58.13 ng kapwa niya NCR tanker na si Gabriel
Castelo noong 2011.
Bukod kay Ilustre, nagsipagwagi rin ng gold ang NCR tankers na sina
Yvoria Rosales sa elementary girls 50 meter backstroke (33.59), Seth
Isaak Martin na nakopo ang kanyang ikaanim na gold medal sa elementary
boys 50 meter backstroke (30.16), Camille Lauren Buico na namayani sa
isa pang record breaking performance sa elementary girls 100 meter
butterfly (1:06.91), ang kanilang elementary girls 200 meter freestyle
relay team na nilangoy ang bagong meet record na (1:59.65) at ang
kanilang secondary girls 200 meter freestyle (1:58.21).
Ang isa pang record na nabura ay sa secondary girls 100 meter
butterfly at secondary boys 200 meter freestyle relay na itinala ni
Regina Maria Paz Castrillo ng Calabarzon (1:04.41) at ng kanilang boys
realy squad (1:42.11), ayon sa pagkakasunod.
Bukod naman kay Calis, humanay naman sa naunang record holder na si
Martin James Esteban ng Central Luzon sina Efrelyn Democer ng Region X
(Northern Mindanao) na nagtala ng bagong meet record sa secondary girls
javelin throw makaraang mabato ang fiberglass spear sa layong 42.34
meters na bumura sa dating record na 41.27 meters na ikinasa ni
Staphanie Cimatu ng Region I (Ilocos Region) noong 2011.
Nagposte rin ng bagong athletics record si Alexis Soqueno ng Western
Visayas (Region VI) matapos muling magwagi sa kanyang paboritong event
na secondary boys high jump sa kanyang tinalon na 1.95 meters na sumira
sa record na siya rin ang gumawa noong nakaraang taon sa Laguna na 1.92
meters.
Sa taekwondo, na ginaganap naman sa ground floor ng Gaisano Mall dito
sa Tagum City, nakatatlong gold medals ang Central Luzon Region sa
pamamagitan nina Vincent Van de Castro, Jerome Ira Amado Santos at Mark
Eledir David sa kyorugi 128-1136 cm., over 136 cm at over 144 cm., ayon
sa pagkakasunod.
Dalawang gold naman ang Region X (Northern Mindanao) sa pamamagitan
nina Mohammed Macatoon sa over 152-160 cm. at Prince Mohammed Perdatuin
sa over 160-168 cm.
Nagwagi naman ng tig-isang gold ang CARAGA region, Cagayan Valley
Region, Autonomous Region of Muslim Mindanao at Cordillera
Administrative Region.
Nanalo para sa CARAGA si Richard John Ulat sa kyorugi 120-128 cm.,
nanalo naman para sa Cagayan Valley si Vince Christopher Guzman sa
poomsae individual Group A, si Datuh Salih Khazain Rayhan ng ARMM para
sa poomsae individual Group B at ang koponan ng CAR sa poomsae team.
“Hindi ko po inaasahan, kasi ang talagang plano lang po ma-retain
kung ‘di ko ma-break ‘yung record ko last year sa 1,500,” pahayag ni
Calis.
“Napakasaya po, kasi ‘yung lahat-lahat ng pagod ko nagbunga na. ‘Yung
pangarap ko nakuha ko na. Gusto ko po kasi makapag-gold doon sa tatlong
individual events ko, ngayon may bonus pa dahil lahat record,” dagdag
pa ni Calis na umaming muntik na siyang tumigil sa pagtakbo makaraang
maapektuhan ang kanyang pagiging top 1 sa klase noong nasa Grade 8 pa
lamang siya.
“Nag-second lang po kasi ako noon, pero nabawi ko naman po ulit,”
dagdag pa ng ikatlo sa apat na anak ng magsasakang si Benigno at OFW sa
Hong Kong na si Herminia na nakapagpatapos na ng kanilang panganay na
anak na isa na ngayong nurse sa Saudi.
http://www.balita.net.ph/2015/05/09/calis-lumikha-ng-3-bagong-record-sa-athletics-event/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.