Ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) ang gun ban sa
lalawigan ng Davao del Norte para na rin sa seguridad ng mga delegado at
mga manonood sa 2015 Palarong Pambansa.
Ayon kay DavNor Governor Rodolfo del Rosario, inaprubahan ng national
headquarters ng PNP ang kahilingan ng lalawigan ng Davao del Norte na
magpatupad ng gun ban.
“We were able to secure the PNP’s order for a gun ban in the province
from April 20 to May 10, 2015,” ayon sa gobernador sa ginanap na
pagbubukas ng Palaro Tiangge at Tourism Village.
Inilunsad ng punong lalawigan ang mga amenidad sa Davao del Norte
Sports and Tourism Complex (DNSTC) para doon kumain, makapasyal at
makabili ang lahat ng mga panauhin na hindi na kailangan pang lumayo sa
main playing venue.
At kaugnay sa kanilang hangad na kaligtasan para sa may 20,000 mga
atleta, opisyales at mga panauhin na dadagsa sa kanilang lugar, may
itinalaga silang 2,000 security forces sa paligid ng playing sites,
billeting quarters at iba pang strategic areas.
Binigyan ng direktiba ni Police Director Ricardo C. Marquez, hepe ng
PNP Directorate for Operations, si Police Regional Office-11 Regional
Director Police Chief Superintendent Wendy Garcia Rosario na
makipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan at sa pamahalaang lungsod ng
Tagum sa pagpapatupad ng suspension of validity of permit para sa ‘di
pagdadala ng baril sa labas ng bahay ng sinuman sa kabuuan ng duration
ng Palaro na sinusuportahan ng Tagum Agricultural Development Company
Inc. (TADECO), Damosa Land, Davao Packaging Corporation (DPC), Davao
International Container Terminal, Inc. (DICT) at Pearl Farm Beach
Resort.
Ayon naman kay Provincial Police Chief PSSupt. Samuel Gadingan, na
makatutulong ng malaki ang gun ban sa kanilang security preparations.
http://www.balita.net.ph/2015/05/01/gun-ban-ipinatupad-sa-davnor/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.