Wednesday, May 6, 2015

Sariling marka, binura ni Esteban; NCR, ‘di maawat sa swimming event

DAVAO DEL NORTE– Dinuplika lamang ni Martin James Esteban ang kanyang marka sa nakaraang taong Palarong Pambansa sa Sta. Cruz, Laguna, ngunit sa pagkakataong ito ay nagtala siya ng record breaking performance sa secondary boys triple jump sa athletics competition sa Day 4 ng 2015 Palarong Pambansa sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex track oval dito sa Tagum City.

Sa ikalawang sunod na taon, natalo si Esteban, fourth year high school graduate sa Balitucan National High School, sa long jump event kay Jose Jerry Belibestre Jr. ng Western Visayas sa unang araw ng athletics subalit agad nakabawi sa triple jump kahapon nang wasakin nito ang dating Palaro record na hawak ni SEA Games bound national team member at 90th NCAA MVP Harry Diones na kumatawan sa Bicol Region noong 2010 na 14.44 meters.

Tumalon ang 6-foot-1 na si Esteban, anak ng isang magsasaka sa Magalang, Pampanga, ng 15.01 meters para sa bagong Palaro record.

Pumangalawa naman sa kanya si Kirk Cire Bacas ng Northern Mindanao na siya ring naging pinakamahigpit niyang katunggali noong nakaraang taon sa Laguna na nagtala ng 14.26 meters at pumangatlo ang Central Visayas bet na si John Marvin Rafols na nagposte ng 14.23 meters.

“Gusto ko po kasing mapasama sa national team at iprisinta din ang bansa natin sa international competitions,” pahayag ng incoming Education freshman student sa Angeles University Foundation na nauna nang nagwagi ng silver medal sa Asean Schools Championships noong nakaraang Disyembre kung saan ay isang Malaysian bet ang nagwagi.

Sa iba pang mga resulta, napasakamay rin sa wakas ng Southern Tagalog Calabarzon Region (Region IV-A) ang gold medals sa centerpiece event nang manguna sina Kenneth Rafanan sa secondary boys shotput (14.68m) at Gilbert Rutaquio sa secondary boys steeplechase (9:50.0).

Humanay naman sa double gold medal winners si Matt Atanas ng Western Visayas makaraang kubrahin ang kanyang ikalawang ginto sa elementary boys long jump sa kanyang tinalon na 1.63 meters. Una na nitong isinukbit ang gintong medalya noong Martes sa triple jump.

Nagdagdag din ng medal haul sa Region VI si Jamella de Asis nang mangibabaw ito sa elementary girls shotput matapos na itapon ang shotput sa layong 10.59 meters.

Gaya naman ng dati, nagsilbing mina ng ginto para sa delegasyon ng National Capital Region (NCR) ang swimming event matapos nilang hakutin ang 8 sa kabuuang 16 na events sa unang araw ng kompetisyon noong Martes ng hapon sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex pool.

Pinangunahan ng nakaraang taong Palarong Pambansa Best Athlete na si Maurice Sacho Ilustre ang pagdomina ng NCR sa pool matapos magwagi ng dalawang gold medal, isa sa pamamagitan ng record breaking performance.

Inangkin ng 15-anyos na si Ilustre, incoming Grade 10 student ng De La Salle Zobel, ang gold medal sa secondary boys 13-17 200 meter butterfly sa tiyempong 2:07.28 na bumura sa unang record na kanyang itinala sa heat na 2:09.00 at gumiba naman sa 17-taong record na 2:9.98 ni Carlo Piccio sa preliminaries.
Galing naman ang kanyang ikalawang gold medal sa secondary boys 13-17 400 meter freestyle matapos na maitarak ang tiyempong 4:11.18.

Maliban kay Ilustre, nagsipagwagi din ng gold medal sa NCR, na mayroon na ngayong pinagsamang 21 gold, 21 silver at 11 bronze medals habang sinusulat ang balitang ito, sina Katherine Jules Ong sa elementary girls 12 under 200 meter freestyle (2:17.28), Camille Lauren Buico sa elementary girls 12 under 50 meter butterfly (30.34), Seth Isaak Martin sa elementary boys 12 under 100 meter backstroke (1:07.01), ang kanilang elementary boys 12 under 200 meter medley relay (2:05.35), elementary girls 12 under 200 meter medley relay team (2:13.91) at secondary boys 13-17 200 meter medley relay team (2:13.91).

Sumunod naman sa kanila ang Region IV-A (Southern Tagalog-Calabarzon Region) na umani naman ng 6 gold medals sa unang araw ng swimming event sa pamamagitan nina Gwen Brynne Prejula sa secondary girls 13-17 400 meter freestyle (4:51.18), Arian Neil Puyo sa seoondary boys 13-17 100 meter backstroke (1:01.87), Nicole Meah Pamintuan sa secondary girls 13-17 100 meter backstroke (1:08.35), Mervien Jule Mirandailla sa elementary boys 12 under 50 meter butterfly (30.23), Regina Maria Paz Castrillo sa secondary girls 13-17 200 meter butterfly (2:29.24) at ang kanilang secondary girls 200 meter medley relay team.

Dahil dito, pumangalawa sila sa NCR sa medal standings na may 15 gold, 9 silver at 15 bronze medals kabuntot ang Western Visayas na may 13 gold, 9 silver at 13 bronze medals.
Pumang-apat naman sa kanila ang Cordillera Administrative Region na may 11 gold, 11 silver at 4 bronze medals.

Sa iba pang mga resulta, humakot ng dalawang gold medal ang Central Luzon sa pagsisimula ng archery competition sa pamamagitan ni Atanacio Pellicer III sa secondary boys 40 at 30 meters.

Inangkin nina Loren Chloe Balaoing ng CAR at Nicole Marie Tagle ng Central Visayas ang secondary girls 40 meters at 30 meters gold medals, ayon sa pagkakasunod.


http://www.balita.net.ph/2015/05/07/sariling-marka-binura-ni-esteban-ncr-di-maawat-sa-swimming-event/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.