Wednesday, May 6, 2015

Gov. del Rosario, pinahalagahan ang mga atletang may kapansanan

DAVAO DEL NORTE– Madalas na hindi sila nabibigyan ng pansin at laging naisasantabi dahil sa kanilang kapansanan.

Subalit sa maaksiyong labanan sa 2015 Palarong Pambansa, binigyan ng halaga ni Governor Rodolfo del Rosario ang mga kabataang estudyante-atleta na kabilang sa mga differently-abled na pilit hinahangad na maging bahagi sila ng normal na kaganapan prestihiyosong Palaro sa bansa.

“Kasali din sila sa 2015 Palaro,” pagmamalaki ni Gov. Del Rosario.

“Sana naman ay bigyan natin sila ng atensiyon at espesyal na publisidad upang matulungan natin sila na maramdaman na kabilang din sila sa ating komunidad at karapat-dapat din na maging representante ng kanilang rehiyon,” giit ni Del Rosario.

Apat na sports, athletics, goal ball, bocce at swimming, ang pinaglalabanan sa Palaro Special Games na para sa mga differently-able athletes sa buong bansa na pinamamahalaan ng Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC).

Ipinaliwanag naman ni PhilSpada coordinator Dennis Esta na ang Palaro Special Games ang kanilang pinagkukunan ng mga pambansang atleta na kanilang inilalahok sa pang-eskuwelahang torneo na tulad ng ASEAN Schools Games at maging sa ParaGames at ParaLympics.

“Marami sa ating miyembro ng national team came from the Palaro. Hindi lamang tayo dito nakakadiskubre ng mga bata at mahuhusay na atleta kundi pati na rin sa mga naipapasok natin sa national pool,” sinabi ni Esta.

Kasalukuyan naman nangunguna sa kategorya ang Region VI-WVRAA na may 5 ginto, 5 pilak at 2 tanso, ikalawa ang IV-A STCAA (5-3-5) at ikatlo ang XI-DavRAA (5-3-3). Ikaapat ang NCRAA (3-5-6) habang ikalima ang I-IRAA na may naiuwing 3 ginto, 3 pilak at 1 tanso.


http://www.balita.net.ph/2015/05/06/gov-del-rosario-pinahalagahan-ang-mga-atletang-may-kapansanan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.